Oposisyon, hinamon ang Duterte administration na isakatuparan ang panawagan ng ERC

Hinamon ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na bago matapos ang termino nito ay isakatuparan ang panawagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ibasura ang Value Added Tax (VAT) sa kuryente at suspendihin na ang excise tax sa langis.

Giit ni Zarate, maikli na lamang ang panahon ng paalis na Duterte administration para magawa ang matagal nang hiling at mabawasan ang paghihirap ng mga consumer.

Aniya, kung nagagawa nga ng Ehekutibo ang mga “midnight appointment” sa burukrasya, higit lalong mas kayang gawin ng pamahalaan ang pagbasura sa VAT sa kuryente at pagsuspindi sa oil excise tax na tiyak na magbibigay benepisyo sa mga Pilipino.


Kung hindi naman ito matupad ng Duterte administration, siguradong malaking hamon naman ito sa sinseridad ng susunod na administrasyon ni presumptive president Bongbong Marcos na una na ring nangako noong panahon ng kampanya na ibaba ang singil sa kuryente at presyo ng langis para tulungan ang mga nagdurusang mga kababayan.

Dagdag pa ng kongresista, mula noong simula ng 18th Congress ay isinusulong na nila sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbasura sa VAT sa singil sa kuryente at pag-repeal sa excise tax sa langis.

Gayunman, natalakay lamang ang mga panukala pero hindi talaga ito ginawang prayoridad o inaksyunan ng kasalukuyang administrasyon.

Facebook Comments