Manila, Philippines – Humihingi pa ng dagdag na paliwanag sa Palasyo ang mga mambabatas mula sa oposisyon sa tunay na sitwasyon ng kalusugan ni Pangulong Duterte.
Ito ay matapos na simula noong Lunes, Independence day, ay no show na ito sa publiko at idinadahilan lamang na kailangan nitong magpahinga.
Ayon kay Magdalo Rep. Gary Alejano, hindi sanay ang publiko na wala ang Pangulo lalo pa’t ngayon ay nahaharap pa rin sa krisis ang bansa dahil sa kaguluhan sa Marawi.
Tiyak aniyang hindi nakukuntento ang taumbayan sa paliwanag na nagpapahinga lamang ito.
Karapatan aniya na malaman ng publiko ang tunay na sitwasyong kalusugan ng Presidente at hindi ito dapat itinatago dahil hindi naman ito banta sa national security.
Kinatigan naman ito ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat at iginiit ang transparency sa kalusugan ng Pangulo.
Kung walang impormasyon na ilalabas ang Malacañang ay magpapatuloy lamang ang mga spekulasyon.
Kahapon ay umuwi ng Davao ang Pangulo para magpahinga pero wala ng ibinigay na ibang dahilan ang palasyo sa kalagayan ng Pangulo.