Oposisyon sinisi ang Duterte administration sa hindi pakikinig sa mga babala laban sa China

Sinisi ng Magnificent 7 sa Kamara ang administrasyong Duterte dahil sa hindi nito pakikinig sa mga babala kaya napalibutan na ng daan-daang barko ng China ang West Philippine Sea.

Ayon sa grupo, bagaman at positibo naman ang pagiging transparent ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tunay na sitwasyon ng Pag-asa Island ay dapat magprotesta ang gobyerno laban sa pagdami ng naglalayag na Chinese vessels na umabot na sa animnaraan.

Dalawang taon na anila ang nakakalipas nang ilabas ang impormasyon kaugnay sa presensya ng Chinese Coast Guard, Chinese Navy at maritime militia sa sandbars sa Pag-asa Island hanggang sa magkaroon na ng pagpapatrol at pagtataboy sa barko ng Pilipinas.


Ngunit binalewala umano ito ng pamahalaan at hindi sineryoso ang usapin ng pang-aagaw ng China sa mga teritoryo at pang-aabuso sa mga mangingisda.

Dagdag pa ng mga mambabatas, sa kabila ng ipinagmamalaki ng administrasyong Duterte na gumaganda na ang relasyon ng Pilipinas sa China ay patuloy naman ang pagkontrol nito sa ating mga teritoryo.

Facebook Comments