Manila, Philippines – Desidido ang minorya ng Senado na harangin ang charter change na posibleng isulong ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 18th Congress.
Si Senator Francis Pangilinan ang mamumuno ng Senate Committee on Constitutional Amendments, na siyang didinig sa anumang hakbang para amyendahan ang saligang batas.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros – gagamitin lamang ni Pangulong Duterte ang cha-cha para sa kanyang political agenda.
Sabi naman ni Senator Francis Tolentino – nararapat lamang na talakayin na ang cha-cha sa papasok na Kongreso dahil tatlong taon na lamang ang natitirang termino ng Pangulo.
Pero para kay Senator Panfilo Lacson – hindi madali ang hiling ng Pangulo na cha-cha.
Ang isyu kasi aniya ay kung papaano ang porma ng botohan.
Pwedeng bumoto bilang iisang body ang Senado at Kamara, imbes na magkahiwalay gaya ng botohan sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Kapag ganito ang set-up, tila mawawalan ng boses ang 24 na senador kumpara sa halos 300 kongresista.
Tingin ni Senator Franklin Drilon, posibleng hindi pumabor sa paglipat sa pederalismo ang mga kasama niya sa Senado na may ambisyon sa 2022 presidential elections.