Hindi na ikinagulat ni Opposition Senator Francis Kiko Pangilinan ang pagpili ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Maj. Gen. Debold Sinas bilang susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Diin ni Pangilinan, karaniwan na kapag kakampi o kaalyado na nasasangkot sa mga kaso o katiwalian ay hindi pinaparusahan, at sa halip ay kinukunsinte o ‘di kaya ay promoted pa.
Inihalimbawa ni Pangilinan sina dating Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon, dating Bureau of Customs at ngayon ay TESDA Secretary Isidro Lapeña at Health Secretary Francisco Duque III.
Dahil dito ay pinayuhan ni Pangilinan na gumanti na lang sa halalan ang taumbayan na hindi sang-ayon sa isyu ng mañanita noong kaarawan ni Sinas at sa kawalan ng pananagutan.
Binanggit naman ni Senator Risa Hontiveros na si Sinas ay isang kaibigan at underclassman ng kanyang pumanaw na mister.
Pero ayon kay Hontiveros, sana ay pinaghusay pa ni Pangulong Duterte ang pagpili ng susunod na PNP Chief.
Giit ni Hontiveros, sana ay ikinonsidera ng Pangulo ang kahinaan ng pamumuno ni Sinas pagdating sa pagtugon ng pulisya sa karahasan at pagpigil sa pagkalat ng COVID-19.