Inamin ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na ang malaking bilang ng mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Act ang dahilan kaya hindi pa maitakda ang oral arguments hinggil dito.
Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni CJ Peralta na dahil sa maraming mga petisyon kontra sa nasabing batas ay marami ring mga isyu na lumulutang ang dapat munang ayusin.
Aniya, hindi nila inakala na aabot ang mga petisyon sa 37 kaya naudlot ang dapat sana’y Setyembre na pagdaraos ng oral arguments.
Kinumpirma ni CJ Peralta na inatasan na niya ang “member in-charge” para gumawa ng “common issues” sa Anti-Terrorism Act petitions.
Partikular ang paglilista bilang iisa ang common issues, pati na rin aniya ang “not common issues” at kapag natapos na ito o naisumite na ng member in-charge ay maaari nang magtakda ng preliminary conference.
Pagkatapos nito, maaari na aniyang magtakda ng oral arguments at reresolbahin ito sa kalagitnaan ng Nobyembre.
Pinayuhan naman ng Punong Mahistrado ang petitioners na magtakda ng isang abogado na haharap sa argumento para mas mabilis ang pag-usad ng oral arguments.