Hiniling ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema na ikansela ang oral arguments sa mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Law.
Isang “urgent motion” ang inihain kanina sa Supreme Court ni Solicitor General Jose Calida para hilingin ang pagkansela sa oral arguments sa susunod na buwan dahil sa “logistical restrictions” at “health threats” bunga ng COVID-19 pandemic.
Tinukoy ni Calida na kapag isinagawa ang in-person oral arguments, malalabag ang health protocol sa physical distancing at ang pagbabawal sa anumang uri ng mass gathering.
Bunga nito, inihirit ni Calida na gawin na lamang ang oral arguments sa pamamagitan ng video o teleconferencing.
Pero kailangan aniyang tiyakin sa gagawing videocon o telecon na walang magiging aberya sa internet service.
Sa ngayon, 30 mga petisyon na kontra Anti-Terrorism Act ang inihain sa Korte Suprema.