Oral arguments sa petisyon kontra Martial Law extension, itinakda na ng SC

Manila, Philippines – Itinakda na ng Korte Suprema sa January 22 at 23 ang oral arguments sa petisyon laban sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.

Noong nakaraan, muling dumulog sa Korte Suprema ang mga kongresista mula sa hanay ng oposisyon para hilingin na ideklarang unconstitutional ang ikatlong pagpapalawig sa Martial Law at pagsuspindi sa privilege of the writ of habeas corpus sa Mindanao.

Ang naturang extension ay tatagal hanggang December 31, 2019.


Ang 46-pahinang petisyon ay isinulong nina Congressmen Edcel Lagman, Tomasito Villarin, Teddy Baguilat Jr, Edgar Erice at Garry Alejano na kabilang sa Magnificent 7, at Congressmen Christopher Belmonte at Arlene “Kaka” Bag-ao na mula sa Liberal Party.

Iginigiit ng mga petitioner na labag sa 1987 Constitution ang ikatlong pagpapalawig sa Martial Law sa Mindanao na nakapaloob sa joint resolution No. 16 ng Kongreso dahil hindi naman nagpapatuloy ang rebelyon sa Mindanao at hindi rin nanganganib ang kaligtasan ng publiko.

Facebook Comments