Oras ng biyahe ng mga tren, balak palawigin ng PNR

Pinag-aaralan na ng Philippine National Railways o PNR ang posibilidad na habaan pa ang kanilang operating hours.

Ito ay makaraang matanggap ng PNR ang bagong set ng mga bagon, na parte ng pagsusumikap ng PNR na mabigyan ng mas maayos na serbisyo ang kanilang mga pasahero.

Ayon kay Jun Magno, ang general manager ng PNR, pinag-uusapan na nila ang extension ng operasyon ng mga tren para mas lalong mapakinabangan ng publiko ang mga bagong train set.


Sa ngayon, hanggang alas-7:00 o alas-7:30 ng gabi lamang ang operating hours ng PNR habang maaga naman ang opening hour ng mga biyahe na nagsisimula ng alas-kwatro ng umaga.

Pero sinabi ni Magno na marami sa mga sumasakay ay nagtatrabaho bilang call center agents na naka-duty tuwing gabi at hindi na umaabot sa pinakahuling tren na bumibiyahe papunta sa mga business district ng Makati at Taguig.

Dahil dito, target aniya ng PNR na palawigin ang operasyon kahit hanggang alas-otso o alas-nueve ng gabi.

Nito lamang Miyerkules ay nagdaos ng arrival ceremony para sa mga bagong Diesel Multiple Unit o DMU rail cars ng PNR na galing sa Indonesia at magsisimula na itong bumiyahe sa December 16, 2019.

Facebook Comments