Nilagdaan na ni Mayor Isko Moreno ang isang ordinansa na naglalayong mabigyan ng endowment benefit ang maiiwang pamilya ng isang healthcare workers na masasawi dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19) sa Lungsod ng Maynila.
Nasa P1 milyon halaga ang ibibigay na endowment benefit kung saan ang masasawing healthcare workers ay dapat nagta-trabaho o nasa ilalim ng health centers at pampublikong ospital ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Base sa Ordinance No. 8639 o ang “Bagong Bayani Endowment Benefit Ordinance of 2020”, bukod sa nasabing halaga, gagawin din scholar ang anak nito sa mga pampublikong eskwelahan o unibersidad na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan.
Ang mga kwalipikadong benipisyaryo ng nasawing health care workers ay mga sumusunod:
- Asawa at mga anak nito kahit pa legitimate o illegitimate
- Mga magulang, mga kapatid o malapit na kamag-anak sakaling walang asawa
- Common law partner kung saan 30 porsyento ng perang matatanggap ay sa partner at 70 porsyento naman ay sa mga anak (legitimate o illegitimate)
Ang mga benepisyaryo ng endowment fund ay dapat magpakita ng authenticated copy ng death certificate na nagsasabi na ang nasawing health care worker ay namatay dahil sa sakit na COVID-19.