Ordinansang magbibigay proteksyon sa ilang indibidwal na may kaugnayan sa COVID-19, inaprubahan sa Lungsod ng Maynila

Isang panibagong ordinansa ang inaprubahan sa Lungsod ng maynila na magbibigay ng proteksyon sa mga pasyenteng positibo ng Coronavirus Disease o COVID-19 maging ang Persons Under Investigation at Monitoring laban sa anumang uri ng diskriminasyon.

Ang City Ordinance No. 8624 o ang “Anti COVID-19 Discrimination Ordinance of 2020” kung saan layunin nito na maparusahan ang sinumang manggugulo, manghihiya, magbibigay ng maling impormasyon at magkakalat ng impormasyon ng mga pasyenteng may kaugnayan sa COVID-19.

Kabilang din ang mga pasyenteng nakarekober na at mga public at private doctors, nurses, health workers, emergency personnel at volunteers kasama na ang mga service workers na naka-destino sa mga hospital o medical centers.


Nabatid na ginawa ang Ordinance No. 8624 matapos makatanggap ng mga ulat hinggil sa ilang indibidwal na may kaugnayan sa COVID-19 ang pinapalayas sa kanilang tahanan at hindi din pinapapasok sa ilang establisyomento dahil sa takot na mahawaan sila ng sakit.

Bukod dito, ipinapakalat din ng ilang pasaway sa social media ang mga pangalan ng mga pinaghihinalaang infected ng COVID-19 kaya’t nais ng Pamahalaang Lungsod na matigil na ito.

Ang sinumang lalabag ay pagbabayarin ng multang aabot sa P5,000.00 o kaya ay pagkakakulong ng anim na buwan o parehas na ipapataw ang parusa.

Facebook Comments