Orihinal na budget ng COMELEC, ipinababalik sa Kamara para pambili ng dagdag na mga makina na gagamitin sa 2022 elections

Umapela ang Commission on Elections (COMELEC) sa Kamara na ibalik ang tinapyas na pondo ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang pondo sa 2021 para makabili ng dagdag na makina sa 2022 elections.

Ang hirit na ito ng COMELEC ay bunsod na rin ng pagtatanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo kung ano ang plano ng komisyon sa 2022 elections at kung may contingency plan ba para dito na nakapaloob sa 2021 budget.

Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, nais nilang maging ligtas ang halalan sa 2022 kaya humihirit sila na ibalik o dagdagan ang kanilang pondo upang matugunan ang mga pangangailangan para sa pagbili ng mga dagdag na makina.


Sa 2021 kasi ay aabot lamang sa ₱14.56 billion ang inaprubahang budget ng DBM sa COMELEC na kalahati rin sa original proposal nila na ₱30.673 billion.

Paliwanag ni Jimenez, isinasaalang-alang ng COMELEC na sa 2022 ay posibleng wala pang bakuna laban sa COVID-19 kaya nais nilang kaunti lamang ang bilang ng mga botante na gagamit sa bawat makina upang maiwasan ang pagsisiksikan at hawaan ng sakit.

Inaasahan na sa 2022 ay aabot sa 65.304 million ang registered voters.

Dagdag dito ay nanawagan din ang COMELEC sa Kamara na tulungan silang palawakin ang alternatibong paraan ng pagboto tulad ng “voting by mail”.

Facebook Comments