
Tiniyak ni Senator Ping Lacson na walang binago sa rekomendasyon ng committee report ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Lacson, walang nabago sa orihinal na intensyon sa rekomendasyon ng committee report at tanging salita o ginamit na lenggwahe lamang ang kanilang pinalitan.
Ibig sabihin, kasama pa rin sa ipinasasailalim sa preliminary investigation at makasuhan sina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva at Chiz Escudero.
Ang mga nabanggit na mambabatas ay ipinasasailalim sa preliminary investigation sa mga kaso ng direct bribery, plunder, malversation, violation ng anti-graft law at ethical standards.
Nilinaw ni Lacson na walang kinalaman sa minorya ang pagbabago sa mga salitang nakapaloob sa committee report ng Blue Ribbon.
Kung makakalap naman ng 11 na lagda si Lacson sa committee report ay posibleng iulat na ito sa plenaryo sa susunod na linggo.










