
Nakiisa at nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang Office of the Special Assistant to the President sa pamilya ng mga nasawi sa paglubog ng passenger-cargo vessel na M/V Trisha Kerstin 3 noong Enero 26, 2026 sa karagatan ng Basilan.
Ipinaabot ni SAP Anton Lagdameo ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumasalamin sa personal na kalungkutan at malasakit ng Pangulo para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.
Ayon kay Lagdameo, inatasan na ng Pangulo ang lahat ng kaukulang ahensya upang tiyakin ang agarang tulong para sa mga nakaligtas at sa mga naulilang pamilya. Siniguro rin umano ni PBBM na mabilis na makapaghahatid ng kinakailangang suporta ang gobyerno para sa mga ito.
Idinagdag ng OSAP na nakikiisa sila sa mga naulilang pamilya, mga apektadong komunidad, at sa buong bansa sa pagluluksa sa isa sa mga pinakamapaminsalang trahedyang pandagat sa mga nagdaang taon.
Ang nasabing sasakyang pandagat na bumiyahe mula Zamboanga City patungong Jolo, Sulu, ay lumubog noong madaling-araw ng Enero 26 dahilan upang mahulog sa dagat ang daan-daang pasahero.
Mula noon ay nagsagawa ng malawakang search, rescue, at retrieval operations ang gobyerno sa pamumuno ng Philippine Coast Guard katuwang ang mga local government unit at mga volunteer group. Batay sa pinakahuling ulat, tinatayang nasa 40 na bangkay na ang na-rekober habang mahigit isang daang pasahero naman ang nailigtas.
Sa isang pahayag, ipinaabot ni Lagdameo ang taos-pusong pakikiramay sa mga nagdadalamhating pamilya.
“We stand in solidarity with the grieving families,” sabi ni Lagdameo. “The government stands ready to extend all possible support and comfort during this difficult time.”
Muli niyang pinagtibay ang pangako ng pambansang pamahalaan na tutulungan ang mga naulilang mahal sa buhay ng mga biktima.
Nagpahayag din si Lagdameo ng pasasalamat sa mga responder kabilang ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, mga local disaster team, at mga sibilyang volunteer na patuloy na nagsasakripisyo sa kabila ng mapanganib na kondisyon ng dagat.
Higit pa sa relief efforts, binigyang-diin ni Lagdameo ang agarang pangangailangan ng pananagutan o accountability, at iginiit na dapat ganap at malinaw na masuri ang mga pangyayari sa likod ng paglubog ng barko.
Ipinahayag ng OSAP ang buong suporta nito sa mabilis, masinsin, walang kinikilingan, at transparent na imbestigasyon sa trahedya.
Binigyang-diin ni Lagdameo na kailangang matukoy ng mga awtoridad ang mga detalye kaugnay ng seaworthiness ng sasakyang-dagat, kapasidad ng mga pasahero, lagay ng panahon, at pagsunod sa mga regulasyon bago ang biyahe.
“We owe it to the victims and their families to pursue the truth,” saad ni Lagdameo. Idinagdag niya na mahalaga ang accountability upang maibalik ang tiwala ng publiko sa mga transportasyong pandagat ng bansa.
Nanawagan pa si Lagdameo sa mga kaukulang ahensya na repasuhin at patibayin ang mga maritime safety protocol.
Tiniyak niya na makikipagtulungan ang pambansang pamahalaan sa mga regulator upang matiyak na ang mga aral mula sa trahedya ay mauuwi sa konkretong reporma, mas mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran, at mas matibay na mga hakbang para sa kaligtasan ng mga pasahero.










