Magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa kontrobersiyal na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Mayor Alice Guo.
Sa gitna ito ng kontrobersiya at pagkuwestiyon ng marami kung posibleng isa siya sa itinanim umano ng China para manghimasok sa pulitika sa Pilipinas dahil sa hindi malinaw na pinagmulan nito.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, aalamin ng binuong special team kung may sapat na rason para matukoy kung lehitimo o hindi ang pagkakaupo nito bilang alkalde.
Nakikipag-ugnayan na rin ngayon ang OSG sa Commission on Elections, Department of the Interior and Local Government at sa iba pang ahensiya sakaling umusad ang imbestigasyon.
Una na ring sinabi ng Comelec na maaaring maharap sa kasong perjury si Guo kapag napatunayan na nagsinungaling ito sa pagiging isang Filipino citizenship.