OSG, naghain na ng komento sa Korte Suprema hinggil sa election protest ni BBM vs VP Robredo

Inihain na ng Office of the Solicitor General o OSG sa Korte Suprema ang kanilang komento hinggil sa election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa 38-pahinang komento ng OSG na pirmado ni Solicitor General Jose Calida, binanggit dito na sa ilalim ng Article VII Section 4 ng Saligang Batas na ang Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal o PET ay ang “sole judge” ng lahat ng mga protesta na may kinalaman sa eleksyon, returns at kwalipikasyon ng Presidente at Bise Presidente.

Iginiit pa ng OSG na ang PET ang may kapangyarihan na magdeklara ng annulment o failure of elections nang walang paglabag sa otoridad ng Commission on Elections (COMELEC).


Pero, sinabi ng OSG na hindi maaaring ipag-utos ng PET ang pagsasagawa ng special elections dahil wala ito sa Konstitusyon.

Ibig sabihin, ang COMELEC lamang ang may kapangyarihan na magsagawa ng special elections sa ilalim ng Omnibus Election Code.

Ipinunto pa ng OSG na ang election protest ni Marcos laban kay Robredo ay walang “failure to elect”, bagama’t ang mga boto sa Maguindanao, Lanao del Sur at Basilan ay idineklarang “null and void”.

Ang poll protest ni Marcos laban kay Robredo ay nananatiling nakabinbin sa PET mula nang ihain ito noong June 2016.

Facebook Comments