Pansamantala munang hindi tatanggap ng mga pasyente para sa Surgical at OB Gyne services ang Ospital ng Biñan habang sarado rin ang operating and delivery room nito.
Ito’y matapos magpositibo sa COVID-19 ang isa sa mga nurse na naka-assign sa operating room ng nasabing ospital.
Sa inilabas na pahayag ni Dr. Melbril Alonte, Medical Director ng Ospital ng Biñan, napag-desisyunan nila na itigil muna ang pagtanggap ng pasyente sa surgical at OB Gyne para gumawa ng mga hakbang upang hindi na lumaganap pa ang sakit na COVID-19.
Tuloy naman ang ibang serbisyo sa nasabing hospital kung saan paiigtingin nila ang ilang precautionary measures gayundin ang istriktong pagpapatupad ng safety operational guidelines para masigurong ligtas ang mga personnel at mga pasyente.
Humingi naman ng pang-unawa at kooperasyon ang pamunuan ng ospital sa publiko at isipin daw sana nila na vulnerable rin sa virus ang kanilang mga staff.
Asahan naman na magiging mas maayos at ligtas ang operating and delivery room sa oras na muli itong magbukas.