Cauayan City, Isabela- Sa kabila ng mga aktibidades na isinasagawa ng pamahalaang panlungsod ng Ilagan ngayong nasa krisis sa COVID-19 ang bansa ay nakapokus ngayon si Mayor Jay Diaz sa pagsasaayos sa ospital ng City of Ilagan na matatagpuan sa Brgy Lullutan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, ang tagapagsalita ng pamahalaang Panlungsod ng Ilagan, inaayos na ang mga gamit na ilalagay sa mga pasilidad ng naturang ospital upang matapos at magamit na ito sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Ginoong Bacungan, target ng pamahalaang panlungsod na bago magtapos ang taong 2020 ay mabuksan na ang City hospital lalo na at sa nararanasang sitwasyon ngayon ay kinakailangan ang mga pagamutan.
Kaugnay nito, bagamat nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine ang rehiyon dos ay patuloy pa rin ang pagpapaalala ng alkalde sa mga Ilagueños na mag-ingat at sundin ang mga ipinatutupad na protocols para makaiwas sa sakit na COVID-19.
Samantala, nasa mahigit 30 katao na ang huling nagtapos sa mandatory Quarantine na kinabibilangan ng mga umuwing Overseas Filipino Worker’s (OFW) at mga construction workers.
Iniiskedyul na muli ang gagawing pagsundo ng pamahalaang panlungsod para sa mga na-stranded na nais magbalik o umuwi sa syudad bilang bahagi ng balik probinsya program ng provincial government ng Isabela.