Dumepensa ang pamunuan ng Ospital ng San Jose del Monte City sa Bulacan matapos kumalat ang mga larawan na puno ng pasyente ang lobby nito.
Ayon kay Dr. Erbe Bugay, Hospital Director ng Ospital ng San Jose del Monte City, totoong maraming pasyente sa lobby ng kanilang ospital dahil ito ang kanilang ginawang triage.
Aniya, dito sinasala ang mga pasyente kung anong serbisyong medical ang ibibigay at para malaman din kung COVID-19 suspect ang mga ito.
Mayroon din aniyang bahagi ng lobby ang ginawang lugar para maaring manganak ang COVID probable patient.
Ang dati naman aniya na kinatatayuan ng tent ay ginawan ng structure para doon pansamantala manatili ang mga pasyenteng hinihinalang may COVID.
Nabatid na mayroong 27 bed ang nasabing ospital sa hiwalay na gusali ang nagiging isolation ng mga tinamaan ng COVID-19 bago mailipat sa Bulacan Medical Center na mayroong Intensive Care Unit.