OTS security screening officer, nilunok ang dollar bills na ninakaw sa pasahero sa NAIA

Posibleng mabalewala ang reklamo laban sa isang Office for Transportation Security (OTS) security screening officer matapos mangyari ang nakawan sa final check point ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.

Nakaalis na kasi ang Chinese national na complainant na siyang ninakawan ng nasabing personel.

Nagreklamo umano ang Chinese sa Airport Authority dahil nawala ang laman ng kanyang wallet na may lamang 300 dollars o humigit kumulang ₱15,000.


Agad naman umaksyon ang Airport authority at nagsagawa ng follow-up operation para i-review ang isang CCTV footage sa lugar kung saan nangyari ang insidente at doon nakita ang pagtatalo sa pagitan ng complainant at SSO, supervisor, passenger service agent, Philippine National Police (PNP) at Auditory Processing Disorder (APD) personnel.

Dito nakita sa CCTV na tumalikod ang SSO na walang alam na nakaharap siya sa camera, kung saan nakitang nilulunok niya ang 300-dollar bills na tinupi nang maliit para magkasya sa kanyang bibig kung kaya ininuman pa ito ng tubig.

Sinubukan pang habulin ng mga awtoridad ang pasaherong Chinese na si Mr. Cai para sa pormal na pagsasampa ng criminal case laban sa mga OTS personnel na sangkot sa nakawan subalit tumanggi na ang dayuhan dahil maiiwan na siya sa kanyang flight pabalik sa kanila bansa.

Facebook Comments