Cauayan City, Isabela- Nakahanda na ang Our Lady of the Pillar Parish Church sa Lungsod ng Cauayan para sa darating na Misa de Gallo o simbang gabi na magsisimula sa madaling araw ng December 16 hanggang December 24, 2021.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Father Henry Patrick Pua, inaasahan aniya nito ang pagdagsa ng maraming tao sa pagsisimula pa lang ng simbang gabi sa Huwebes, sa oras ng alas 4:00 ng madaling araw hanggang alas 5:00 kahit pa nahaharap tayo sa COVID 19 pandemic.
Kaugnay nito ay nagkaroon na ng pagpupulong ang simbahan kay Ret. Col. Pilarito “Pitok” Mallillin, ang pinuno ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City para sa implementasyon ng rules and regulations sa pagdaraos ng simbang gabi ganun rin sa Bisperas ng Pasko.
Napagkasunduan ng simbahan at POSD na ipagbabawal muna ang pagparada ng anumang sasakyan sa mismong harapan ng simbahan, ipagbabawal din ang mga magtitinda sa loob o compound ng simbahan at inaabisuhan din ang mga makikimisa na magdala ng sariling upuan at payong kung sakaling wala nang espasyong mauupuan sa loob ng simbahan.
Sinabi rin ni Father Pua na importante aniyang sumunod sa health and safety protocols gaya ng pag obserba ng social distancing at tamang pagsusuot ng facemask.
Pangungunahan naman ng mga tauhan ng POSD at ilang kawani ng PNP Cauayan ang pagbabantay sa gate at loob ng simbahan upang matiyak na nasusunod at naipatutupad ng maayos ang mga napag-usapang alituntunin.
Nagpaalala naman si Father Pua sa publiko na mag-ingat pa rin sa virus, ingatan, mahalin at namnamin ang ipinagkaloob na buhay ng ating Panginoon, ugaliin ang pagdarasal at huwag aniyang kalimutan ang Diyos sa ating buhay.