Out-of-School youth, malaking hamon sa DepEd para sa pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education

Inamin ng Department of Education (DepEd) na malaking hamon sa epektibong implementasyon ng Comprehensive Sexuality Education (CSE) ay hindi nila saklaw ang mga out-of-school youth.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Education Asec. Dexter Galban na ang tanging saklaw ng CSE ay ang mga mag-aaral na nasa loob ng mga paaralan at ang mga out-of-school youth na nakakaranas ng teenage pregnancy ay hindi nila mabibigyan ng direct intervention.

Umapela naman si Senator Risa Hontiveros sa mga kaukulang ahensya na magawan ng paraan na matulungan at maabot ang mga out-of-school youth sa mga komunidad para muling mahikayat na magbalik at magtapos sa pagaaral, maalagaan ang mga sanggol ng mga batang ina, at maiwasan na muling maulit ang maagang pagbubuntis.

Samantala, tinukoy ni Galban ang ilan pa sa mga hamon na kinakaharap kaya naging mabagal ang implementasyon ng CSE na noong 2018 pa ipinatupad sa ilalim ng Department Order 31.

Kabilang dito ang “familiarity content” sa mga guro para epektibong maituro sa mga estudyante ang CSE at probolema sa koordinasyon sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagbibigay ng health at wellness services sa mga adolescents.

Sa ngayon ay nagbigay pagsasanay na ang DepEd sa 400,000 na mga guro para sa mas sensitibo at mas complex na aspeto ng CSE at mas prayoridad na maituro ito sa mga older demographics o mga adolescents sa mga paaralan salig na rin sa itinatakda ng batas.

Facebook Comments