Outgoing DA Secretary William Dar, handang maging tagapayo ni President-elect at incoming DA Secretary Bongbong Marcos kaugnay sa pagtugon sa isyu ng food security sa bansa

Nakahandang ialok ni outgoing Agriculture Secretary William Dar ang kaniyang serbisyo para makapagbigay ng suhestiyon kay President-elect at incoming Agriculture Secretary Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para tugunan ang isyu sa food security sa gitna ng banta ng global food crisis.

Ayon kay Dar, nakahanda na ang transition report ng Department of Agriculture (DA) para sa paglilipat ng liderato at trabaho sa susunod na mamumuno sa ahensya.

Nakapaloob dito ang short, medium, at long term na mga plano ng DA.


Kabilang dito ang pagpapataas ng produksyon ng palay, mais, at mga isda, at tulungan ang mga magsasaka at mangingisda na mapataas ang kanilang kita.

Nakalagay rin sa nasabing report ang kasalukuyang estado ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas, pati na ang mga rekomendasyon at mga panukalang polisiya.

Kaugnay ng nagbabadyang global food crisis, nakalagay rin sa report kung ano ang mga programang dapat bigyang prayoridad ng DA, gaya ng Balanced Fertilization Strategy, na magpapataas sa paggamit ng bio-fertilizers sa bansa.

Facebook Comments