OUTGOING IP REPRESENTATIVE NG CAUAYAN CITY, BUKAS PA RIN SAKALING ITALAGA MULI NG SUSUNOD NA ADMINISTRASYON

Cauayan City, Isabela- 22 days nalang ay matatapos na ang termino ng mga nasa kasalukuyang administrasyon at ng mga hindi pinalad noong nakaraang eleksyon kung saan ilan sa mga opisyal ay sinisikap na matapos ang kanilang mga trabaho bago pa ang araw ng kanilang huling panunungkulan sa gobyerno.

Isa na rito si City Councilor Faustino “Jong” Gapasin Jr. na siya ring IP Representative sa Lungsod ng Cauayan kung saan kanyang sinabi na bagamat hanggang June 30 na lamang ang kanyang termino ay sisikapin pa rin nitong matapos ang mga naumpisahang proyekto.

Kanyang sinabi na bukas pa rin ang kanyang sarili at lubos na magpapasalamat kung sakaling mapagbigyan muli ito na pamunuan ang mga katutubo sa Lungsod ng Cauayan upang sa ganon ay maipagpatuloy pa rin ang mga trabaho at matapos ang mga nasimulang project.

Pero, ipinapaubaya o binibigyan pa rin naman aniya nito ng pagkakataon ang susunod na uupong alkalde ng Syudad ng Cauayan na pumili ng kanyang gustong italagang kinatawan ng IP sector sa Cauayan City. Batid aniya nito na marami din ang gustong magserbisyo at pamunuan ang mga katutubo na nandito sa Lungsod ng Cauayan subalit ayaw lamang nitong pangunahan ang desisyon ng susunod na administrasyon.

Mensahe naman nito sa mga Cauayeño at sa lahat ng mga katutubo sa Lungsod, na kung sino man ang susunod na magiging Pangulo ng mga Katutubo sa Lungsod ay suportahan pa rin aniya ang bawat isa at pagtutulungan pa rin ang mga nasimulang programa ng bawat organisasyon ganun din sa mga susunod pang mailalatag na programa at palakasin pa ang samahan ng bawat katutubo dito sa Lungsod.

Samantala, habang hindi pa natatapos ang panunungkulan ni Councilor at IP Representative Gapasin ay nagpapatuloy pa rin aniya ang kanilang ginagawang monitoring sa mga benepisyaryo na nabigyan ng livelihood assistance.

Mula aniya sa 37 na nabuong organisasyon ng Indigenous People sa Lungsod, karamihan sa mga ito ay nabigyan ng tulong pangkabuhayan.

Kaugnay nito, nagkaroon sila ng assessment at evaluation sa mga katutubong nabigyan ng pangkabuhayan kung saan ilan sa mga ito ay natigil dulot ng covid-19 pandemic at ng nakaraang ASF outbreak.

Umaasa naman si Gapasin na mabibigyan muli ng suporta at tulong ang mga benepisyaryong hindi nakapagpalago ng kabuhayan para magkaroon pa rin ang mga ito ng pagkakakitaan.

Facebook Comments