Bago sinabi ni Mayor Bernard Dy ang kanyang mensahe at pasasalamat sa mga Cauayeño kasabay ng kanyang huling araw na pagdalo sa naturang seremonya, ay inalala nito ang naging tampuhan noon ng mga kawani ng LGU na ipinaramdam sa mismong flag raising ceremony dahil sa hindi nito pagpayag na pagbibigay ng karagdagang bonus sa mga empleyado.
Ayon kay Mayor Dy, gusto nitong ibigay sa iba pang Cauayeño na higit na nangangailangan ang kanilang tatanggapin sanang ikalawang bonus dahil meron naman na aniya silang sahod at nakuhang unang bonus.
Inamin ng alkalde na nasaktan ito sa nangyari subalit kanyang sinabi na normal lang sa isang administrasyon na magkaroon ng isyu at problema kaya kailangan lamang aniyang panindigan ang pinasok na pagsisilbi sa taong bayan.
Samantala, kumpiyansa naman si outgoing City Mayor Bernard Dy na mas mapagsisilbihan pa ng papalit sa kanyang pwesto na si incoming Mayor Jaycee Dy Jr ang mga Cauayeño at higit na makakagawa pa ito ng mga bagay na ikabubuti at ikauunlad ng Lungsod ng Cauayan.