Inumpisahan na ng House Committee on Human Rights ang motu propio investigation kaugnay sa overcrowding ng mga “persons under police custody” (PUPC).
Ayon kay Human Rights Committee Chairman Cherry Deloso-Montalla, lumalala ang kondisyon at kalusugan ng mga nasa custodial facilities.
Idinulog umano sa kanya ni PNP Human Rights Affairs Office (HRAO) Chief Superintendent Dennis Siervo ang hindi makataong kondisyon ng mga nakapiit sa police custody na maituturing na paglabag sa karapatang pantao.
Aabot sa 283.05% ang congestion rate sa mga police custodial facilities sa Metro Manila at ito ang dahilan ng pagkakasakit at maging pagkamatay ng ilang preso.
Ilan sa mga sakit na dumapo at nakahawa sa mga preso ay tuberculosis, hika, pigsa, heat stroke, sepsis, flesh eating bacteria at iba pa.
Bukod dito, nasa peligro din ang kalusugan ng mga pulis na nagbabantay sa mga siksikang kulungan dahil nahahawa din sila sa mga sakit ng mga detainee.
Itinuturo namang dahilan ng paglobo ng bilang sa mga custodial facilities ay ang mabagal na paglalabas ng commitment orders sa mga korte.