Iginiit ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin sa Department of Transportation (DOTr) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na i-overhaul na sa lalong madaling panahon ang Public Utility Vehicles (PUVs) route system.
Sa rekomendasyon ni Garbin, hiniling nito na ibigay sa mga bus ang mahahabang ruta habang pinalilimitahan naman sa mga jeepney ang mga maiikling ruta.
Iminungkahi rin nito na ipaubaya sa mga rehistradong tricycle ang mga kalsada na papunta naman sa mga palengke.
Sinabi rin ni Garbin na mas maraming jeepney ang kinakailangan sa Bicol, Central Luzon, Cagayan Valley Region, at Ilocos Region habang mas maraming bus naman ang kinakailangan sa ruta ng España, Andres Bonifacio, Taft Avenue, Roxas Boulevard, Novaliches, at Libis.
Pinatutulungan din ng mambabatas sa ahensya na gawing new norm sa lahat ng mga PUJs, bus at tricycle ang cashless payment at pagbibigay ng eksaktong pamasahe upang maiwasan ang hawaan ng sakit.
Pinakikilos din ng kongresista ang mga Local Government Units (LGU) na tulungan ang mga PUV drivers na magkaroon ng personal hygiene kits, hand washing stations, portable toilets, laundry at bathing facilities sa kanilang mga terminals.