Overlapping sa functions ng ilang attached agencies ng DOST, sinita ng isang senador

Sinita ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang overlapping o nauulit lang na gampanin ng ilang mga attached agencies sa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).

Sa budget deliberation para sa ahensya, tinukoy ni Villanueva ang ilang mga opisina ng DOST na may kaparehong functions sa ibang ahensya ng gobyerno.

Ilan aniya sa mga ito ang Philippine Council for Health Research and Development ng DOST sa Health Policy Development and Planning Bureau ng DOH; ang Food Nutrition Research Institute ng DOST sa National Nutrition Council ng DOH; at ang Philippine Council for Industry Energy and Emerging Technology Development ng DOST sa Energy Research and Testing Laboratory Services naman ng Department of Energy.


Sinabi ni Villanueva na hindi lang niya batid kung alin sa mga ahensya ang nauna at alin ang gumaya na lang.

Paliwanag naman ni Senator Francis Tolentino na siyang dumipensa sa 2024 budget ng DOST, ang ahensya ang siyang ‘in-charge’ sa research and development at ang ilang ahensya ay dapat na nakikipag-ugnayan sa kanilang ginawang pagaaral.

Pero aniya, ang nangyayari ay ginagamit ng ibang ahensya ang kanilang mga outputs o gawa o kaya naman ay hindi rin ginagamit ang mga research o data mula sa DOST para mapangatwiranan ang binuong tanggapan.

Iginiit naman dito ni Villanueva na iprayoridad na ng Kongreso ang isinusulong ng pamahalaan na rightsizing sa mga ahensya ng gobyerno at hiniling ang tulong ng DOST kung papaano masosolusyunan ang overlapping functions sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Facebook Comments