Pinakikilos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas ang pamunuan ng PNP Highway Patrol Group (HPG) na bantayan ang problema sa overloading kahit sa mga pribadong sasakyan.
Ito ay kasunod ng malagim na aksidente sa Tabuk City, Kalinga na ikinamatay ng 13 katao na karamihan ay mga bata.
Ayon sa PNP Chief, importanteng masunod ang load limit sa mga sasakyan maging ang physical distancing bilang bahagi ng minimum health requirement.
Batay sa ulat ni PBGen. Ronald Lee, Director ng Cordillera Police, 15 lahat ang sakay ng isang Ford Everest na minamaneho ni Soy Lope Agtula ng BJMP Mt. Province nang ito ay mahulog sa irigasyon sa Tabuk City, Kalinga.
Naisugod pa sa dalawang malapit na ospital ang mga biktima pero 13 sa kanila ang idineklarang dead on arrival at dalawa lang ang nakaligtas.
Sa pag-iimbestiga natukoy na galing ang sasakyan sa Tadian, Mt. Province pero hindi na sila nakarating sa kanilang destinasyon sa Tabuk City nang ito ay nahulog sa isang irigasyon.