Overloading sa mga Transformer, dahilan Umano ng madalas na Brownout!

Humihingi ng pang-unawa at kooperasyon ang Isabela Electric Cooperative 2 (ISELCO-2) sa mga member consumer owners nito kaugnay sa nararanasan na patay-sindi na supply ng kuryente tuwing gabi lalo na sa mga bayan ng Naguilian, Benito Soliven, San Mariano at ilang parte sa Lungsod ng Ilagan na sakop ng ISELCO 2.

Ayon Ginoong Dave Siquian, General Manager ng ISELCO 2, nagkakaroon aniya ng overloading sa mga transformer kaya’t bumibigay ang kanilang substation dahil sa matinding demand ng kuryente ngayong mainit ang panahon.

Kaugnay nito, magpapatupad umano sila ng tinatawag na Manual Load Dropping upang mapangalagaan ang integridad ng mga kagamitan ng Kooperatiba at para maiwasan ang mas malaking aberya kung masira man ang mga ito.


Sa ngayon, sinisimulan na ng naturang tanggapan ang pagpapatayo ng karagdagang substation upang magkaroon ng sapat na supply ng kuryente sa mga naturang lugar.

Samantala, hiniling naman ni GM Siquian ang kooperasyon at pang-unawa ng mga miyembro nito dahil sa hindi maiwasang pangyayari.

Hinikayat din nito ang mga member consumer owner, mga malalaking kumpanya at establisyemento na bawasan ang kanilang mga ginagamit na mga appliances o kuryente lalo na sa gabi upang maiwasan ang overloading sa mga transformer ng ISELCO at maiwasan din ang brownout sa mga lugar na kanilang nasasakupan.

Facebook Comments