Hiniling ng Grupong SINAG sa Senado na imbestigahan ang regional bidding ng Department of Agriculture (DA) sa pagbili ng fertilizer sa halagang P950 kada bag gayong 880 pesos lamang ang kasalukuyang retail price.
Sa isang panayam sa Maynila kay Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, sinabi nito na lumiham na sila kay Senator Francis Pangilinan, Vice Chairman ng Senate Committee on Agriculture, sa harap ng maraming reklamo ng mga magsasaka na kumukwestyon sa nagaganap na regional bidding ng DA.
Ayon sa SINAG, hindi na natapos ang hinagpis ng mga rice farmers dahil nitong nakaraang taon, kung magugunita ay naging usapin din ang overpriced na fertilizer supply contracts na bahagi ng programa na naglalayong matulungan sana ang mga magsasaka na naapektuhan ng pandemya.
Panawagan ng SINAG kay Pangilinan, simulan na ang imbestigasyon sa nangyayaring bidding ng mga regional office ng DA at alamin kung bakit overpriced ng 70 pesos ang kada bag ng fertilizer.