Pinasisilip ni AnaKalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang umano’y overpriced na face shields na binili ng Quezon City government.
Sa ilalim ng House Resolution 2143 na inihain ni Defensor, inaatasan ang angkop na komite sa Kamara na magkaroon ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ kaugnay sa 400,000 na pirasong face shield na binili ng QC Local Government Unit (LGU) noong December 21, 2020.
Tinukoy sa resolusyon na batay sa mga nakuhang dokumento, nagkakahalaga ng P67.50 ang kada piraso ng face shield o katumbas ng P27 million sa kabuuan.
Ayon kay Defensor, 600% o katumbas ng P24 million na mas mataas ito kumpara sa going rate o presyo.
Dagdag pa ng kinatawan na kung dumaan lamang sa tamang bidding process ang procurement ay malalaman dapat ng City Hall na P10 lamang ang kada piraso ng isang face shield.
Diin ng mambabatas, ngayong sinisilip na rin naman ang paggamit ng pondo ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 response ay marapat lamang na tingnan din ang paggamit ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang pondo.