Fake news!
Ito ang inihayag ng Office of the Vice President (OVP) kasunod ng ulat na araw-araw na ginagamit ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte-Carpio ang chopper na pinahiram sa kaniya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., papunta sa Davao City.
Iginiit ni OVP Spokesperson Atty. Reynold Munsayac na Manila base si VP Duterte at ang kaniyang pamilya.
Ayon pa kay Munsayac, sa Manila na rin nag-aaral ang kaniyang mga anak.
Dagdag pa ng tagapagsalita, land vehicles ang ginagamit ng pamilyang Duterte sa araw-araw na pagpasok.
Ginagamit lamang aniya nila ang chopper kapag kailangan sa ‘official work at function’ base sa lugar na pupuntahan.
Pagtitiyak pa ni Munsayac, bilang matagal na sa larangan ng public service ay ini-ingatan ni VP Duterte ang government resources sa lahat ng pagkakataon.
Nabatid na umani ng mga batikos kahapon mula sa mga netizen ang social media post ng pangalawang pangulo na nagpapasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos para sa ‘presidential chopper’ na pinahiram sa kaniya para magamit.