Nilinaw ng Office of the Vice President (OVP) na hindi kumpetisyon ang ginagawang pagtulong nito sa COVID-19 situation sa bansa.
Kasunod ito ng komento ni Presidential Anti-Corruption Commissioner (PACC) Manuelito Luna na dapat pagbawalan si Vice President Leni Robredo mula sa pakikipagkumpitensya nito sa national government efforts.
Ayon sa taga-pagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, hindi kumpetisyon ang pagtulong ng Bise Presidente sa mga nangangailangan kundi sa kung ano ang magiging ambag nito sa muling pagbangon ng bansa bunsod ng health crisis.
Aniya, mayroong koordinasyon ang Ikalawang Pangulo sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno gaya ng shuttle service na kanilang ipinaalam sa defense department dahil sa ban sa mass transport.
Gayundin ang distribusyon ng personal protective equipment (PPE) sa pampubliko at pribadong ospitals at ang extraction kits para sa COVID-19 test sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Giit ni Gutierrez, malinaw na malinaw na hindi nagsasarili ang OVP.
Samantala, nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) si Usec. Jonathan Malaya sa mga nananamantala ng sitwasyon para sa pamumulitika.
Aniya, naglabas na ng kautusan si DILG Sec. Eduardo Año sa mga Local Government Units (LGUs) na walang epal, walang pangalan, walang picture at hayaan ang mga barangay na i-handle nang tama ang paglalabas ng ayuda.