Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) ang plano nitong paglipat sa bagong headquarters sa Mandaluyong City.
Ayon kay Reynold Munsayac, tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte-Carpio, naghahanda na sila sa paglipat sa bagong opisina na may kakayahang i-accommodate ang lahat ng mga co-term, casual at permanent employee ng OVP.
Layon din aniya nito na gawing accessible ang opisina ng OVP sa publiko dahil malapit ito sa mga major road at mass transportation facilities.
Bukod dito, may opisina rin kasi si Duterte sa Department of Education sa Pasig City na malapit lang sa Mandaluyong.
Pinasalamatan naman ni Munsayac ang lokal na pamalaang lungsod ng Quezon sa pagpapagamit nito sa Quezon City Reception House, na nagsilbing headquarters ni dating Vice President Leni Robredo.
Noong nakaraang buwan, matatandaang sinabi ni Duterte na nais niyang magtayo ng permanenteng opisina para sa mga susunod na pangalawang pangulo ng bansa bilang bahagi ng kanyang legasiya.