Nagsusumamo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Department of Budget and Management (DBM) na mabigyan sila ng supplemental funding.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na posibleng masaid ang kanilang pondo pagsapit ng Mayo hanggang Hunyo kung hindi sila bibigyan ng dagdag na budget.
Sa ngayon ani Cacdac, tinatayang nasa dalawang libong mga OFW ang lumalapag sa airport kada araw.
Paliwanag nito, quadruple ngayon ang gastos nila sa mga quarantine hotels dahil mula sa dating hanggang tatlong araw lang na pananatili ng mga OFW sa hotel sa ngayon ay umaabot na sa pito hanggang siyam na araw dahil na rin sa bagong patakaran ng IATF na sa ika-anim na araw pa lamang ng quarantine isasailalim sa swab test ang returning OFWs.
Kasunod nito nagkakahalaga ng ₱9.8 bilyon ang tinatayang pondo na kakailanganin ng OWWA para maipagpatuloy ang pagsuporta sa mga pangangailangan sa pagkain, transportasyon at accommodation ng mga OFW na umuuwi sa bansa matapos mawalan ng trabaho sa ibayong dagat dulot pa rin ng COVID-19 pandemic.