OWWA, pinawi ang pangamba ng mga OFW kasunod ng extended travel restrictions ng Pilipinas sa 7 bansang nakitaan ng Delta COVID-19 variants

Pinawi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pangamba ng mga overseas Filipino workers (OFW) na hindi makauwi sa Pilipinas.

Kasunod ito ng pagpapalawig ng gobyerno sa travel restrictions nito sa UAE, Oman, Pakistan, Sri Lanka, India, Nepal at Bangladesh dahil sa pagkalat ng Delta variant na unang nadiskubre sa India.

Sabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, makakauwi pa rin ang mga OFW basta’t may mass repatriation flight na inorganisa ang Embahada at Philippine Overseas Labor Office (POLO) o di kaya ay aprubado ng Bureau of Quarantine (BOQ) ang kanilang pag-uwi.


Ayon pa kay Cacdac, sagot ng gobyerno ang lahat ng gastusin ng mga uuwing OFWs mula sa mga bansang may travel ban ang Pilipinas –– mula quarantine accommodation, swab testing at iba pang repatriation expenses.

Samantala, tiniyak naman ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval na mahigpit ang ginagawa nilang pagbabantay sa mga paliparan para matiyak na walang pasahero na posibleng carrier ng Delta variant ang makakapasok sa bansa.

Facebook Comments