P 2.5 M na halaga ng Shabu isinilid sa supot ng tinapay, 3 arestado

Arestado ng Philippine Drug Enforcement Agency Autonomous Region in Muslim Mindanao ang 3 katao at nakumpiskahan pa ng abot sa 2.5 million pesos na halaga ng pinaniniwalaang shabu sa drug buy bust operation pasado alas dyes kahapon ng umaga sa Pigcawayan, North Cotabato.
Kinilala ni Dir. Juvenal Azurin, PDEA ARMM Regional Director ang nahuli na si Mohamad Tuankali Macalimpas alias “Mads”, 47 anyos, nagpakilalang myembro ng MILF , residente ng Sultan Mastura, Maguindanao,sinasabing high value target ng PDEA ARMM,pamangkin nitong si Samsodin Balolong Kato, 30 anyos, at si Noraida Samaon Alamada, 20 anyos.
Sakay ang tatlo sa isang Nissan URVAN na may plakang ZTR 391 at sinasabing nagmumula pa sa isinagawang Bangsamoro General Assembly dahil na rin sa tarp na nakasabit sa vehicle ng mga ito ngunit pagsapit sa Pob. 3 ng Pigcawayan ay dun na nagkaabutan ng shabu sa mga ahente ng PDEA na nagpanggap ng buyer.
Nakuha sa mga drug suspect ang 7 pakete ng Shabu na isinilid pa sa plastic na naglalaman ng tinapay, isang unit ng 9mm Norinco pistol, 7 Live ammunition, dalawang unit ng cellular phones at mga ID.
Kasalukuyang nakakulong na sa selda ng PDEA ARMM ang mga naaresto habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition act at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala hindi pa naglalabas ng anu mang pahayag ang mga opisyales ng MILF kaugnay sa pagpapakila ng isa sa mga nahuli na di umanoy lehitimong myebro ng organisasyon.


Facebook Comments