Matapos maaprubahan sa 2nd reading ay agad ding nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang P4.1 Trillion national budget o ang 2020 General Appropriations Bill alinsunod na rin sa sertipikasyon bilang urgent dito ni Pangulong Duterte.
Sa botong 257 YES, 6 NO at 0 ABSTAIN nakapasa ang House Bill 4228 o ang 2020 GAB.
Maituturing na faithful copy ng National Expenditure Program (NEP) ang 2020 budget, ibig sabihin walang binago sa isinumiteng budget mula sa Malakanyang.
Ito na ang maituturing na pinakamabilis o record-breaking na approval ng budget sa kasaysayan ng Kamara na layong hindi na maulit ang delayed na pagapruba katulad sa 2019 national budget na nakaapekto sa implementasyon ng mga proyekto at programa ng iba’t ibang ahensya.
Nangunguna ang edukasyon at infrastructure sa may pinakamalaking paglalaan ng panukalang 2020 National budget.
Sa nasabing halaga, P673B ang mapupunta sa DepEd kabilang ang para sa mga State Colleges and Universities, CHED at Tesda.
P534.3B ang para sa Department of Public Works and Highways, ikatlo ang para sa Department of Interior and Local Government na may P238B, ikaapat ang Department of Social Welfare and Development na may pondong P195B, ikalima ang Department of National defense na may panukalang pondo na P189B.
Ika-anim sa may pinamalaking paglalaanan ng pondo sa susunod na taon ang Department of Health na P166.5B na sinundan ng Department of Transportation na P147B, pang walo ang Department of Agriculture na may P56.8B, ika-siyam ang sangay ng Hudikatura na may pondong P38B at pang sampu ang Department of Environment and Natural Resources na may nakalaang P26.4B.
Samantala, bumuo si House Majority Leader Martin Romualdez ng small committee na mag-a-assess sa individual amendments ng mga kongresista.
Binigyan naman ng hanggang Lunes ang mga kongresista para magsumite ng kanilang individual amendments.