P/Col. Ariel Quilang, Itinalagang Provincial Director ng PNP sa Cagayan

*Cauayan City, Isabela*-Pormal nang itinalaga ni P/BGen. Angelito Casimiro, Acting Regional Director ng Police Regional Office 02 (PRO2) si P/Col. Ariel Quilang bilang bagong Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) sa isinagawang turn-over ceremony sa Camp Tirso H. Gador, Tuguegarao City.
Dinaluhan ito ni Governor Manuel Mamba, ilang alkalde at lokal na opisyal ng nasabing lalawigan sa isinagawang aktibidad.

Ilan naman sa uunahing ipapatupad na programa ng bagong Provincial Director ay ang Internal Cleansing sa kanilang hanay, kampanya kontra sa iligal na droga, anti-criminality campaign at pagpapatupad ng EO 70 upang labanan ang insurhensiya sa bansa.

Mahigpit din ang direktiba nito na walang puwang ang kapulisan kapag nahuli at nasangkot sila sa kahit anong krimen gaya ng pagpasok sa mga cockpit arena o tupadahan at pag-inom sa videoke bar habang siya ang pinuno ng pulisya sa lalawigan ng Cagayan.


Kaugnay nito, inatasan ni P/BGen. Casimiro si P/Col. Quilang na tutukan ang ilang barangay sa 12 Bayan gaya sa Sto. Niño, Lasam, Allacapan, Gonzaga, Baggao, Gattaran, Rizal, Sta.Teresita, Sta.Ana, Pamplona, Sta.Praxedes at Claveria sa lalawigan na may presensya ng mga makakaliwang grupo o New People’s Army (NPA).

Si P/Col. Quilang ay nagsilbing hepe ng PNP Cauayan kung saan habang siya ang pinuno ng himpilan ay dito nadiskubre ang pagawaan ng droga at naging hepe rin sa siyudad ng Ilagan hanggang sa manungkulan sa Regional Intelligence Division ng PR02.

Pinalitan ni P/Col. Quilang si P/Col. Ignacio Cumigad Jr. na itinalaga naman bilang OIC ng Regional Chief Directorial Staff ng PR02.

Facebook Comments