Manila, Philippines – Aanyayahan ng University of the Philippines Diliman Campus si Pangulong Rodrigo Duterte bilang panauhing pandangal sa magaganap na Graduation Rites sa buwan ng Hunyo.
Ayon kay Commission on Higher Education Chairman Patricia Licuanan, inabisuhan siya ni UP President Danny Concepcion na ipapadala na ang imbitasyon sa Malakanyang mula sa nasabing Unibersidad.
Sinabi ni Licuanan, ang Pangulo ng bansa ang siyang kadalasang Guest Speaker sa Graduation rites ng UP bilang pagkilala sa kanya na pinakamataas na lider ng bansa.
Umaasa si Licuanan na pagbibigyan ni Pangulong Duterte ang imbitasyon ng UP Diliman para sa pagtatapos ng mga iskolar ng bayan.
Noong nakaraang buwan, mismong si Pangulong Duterte ang tumanggi sa Honorary Degree na igagawad sana ng nasabing Unibersidad.
Paliwanag ng Pangulo Duterte , hindi niya nakagawian na tumanggap ng mga anumang parangal dahil mas nais pa niyang daluhan ang mga imbitasyong may kinalaman sa kanyang trabaho.
DZXL558, Silvestre Labay