Manila, Philippines -Hinikayat ng grupong United Filipino Consumers and Commuters o UFCC si pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng Martial Law laban sa mga opisyal ng Energy Regulatory Commission dahil sa hindi nila kayang kontrolin ang Meralco na patuloy na nagpapahirap sa sambayanang Filipino dahil sa pagtaas ng presyo ng kuryente.
Ayon kay UFCC President Rodolfo “RJ” Javellana Jr. hindi lamang dapat sa Marawi City magdeklara ng Martial Law si pangulong Duterte dapat din umano sa tanggapan ng ERC dahil ang mga opisyal umano ng naturang ahensya ay banta sa mga mahihirap na Filipino na patuloy naghihirap sa taas ng singil ng kuryente.
Paliwanag ni Javellana nangako si pangulong Duterte na tatanggalin nito ang kurapsyon sa kanyang Administration at kung talagang seryoso ang pangulo sa kanyang pangako dapat umanong simulan niya ito sa paglinis sa lahat ng mga opisyal ng ERC.
Giit pa ni Javellana dapat protektahan ni pangulong Duterte ang mga Filipino mula sa mga gahaman na Oligarchs na nagpapahirap sa pamamagitan ng patuloy na pagtataas ng presyo ng kuryente at tubig sa bansa.
DZXL558, Silvestre Labay