P-Duterte, humingi ng paumanhin sa mga Maranao dahil sa nararanasang kaguluhan na idinulot ng nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City

Manila, Philippines – Humingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Maranao dahil sa nararanasang kaguluhan na idinulot ng nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng Maute terror group at tropa ng pamahalaan sa Marawi City.
Bukod dito, nag-sorry din si Duterte sa pagdedeklara niya ng martial law sa buong Mindanao, dahil sa sitwasyon sa lalawigan.
Sa kanyang pagbisita sa national school of fisheries sa Iligan City, sinabi ng pangulo na umaasa siyang mapapatawad ng mga maranao ang ginawa niyang pagdedeklara ng martial law sa buong Mindanao.

Sinabi pa ng pangulo na unti-unti nang sinisira ang Marawi at ang tanging paraan na lang na naisip niyang gawin ay ang pagdedeklara ng batas militar para masupil ang Maute Group.
Iginiit ni Duterte na ang susi sa pagkakaroon ng kapayapaan sa buong Mindanao ay ang pagkakaroon ng pederalismo kung saan ito din daw ang daan para umusad ang pakikipag-usap sa MILF at MNLF.

Kasabay nito, nangako si Duterte na tutulong siya sa isasagawang rehabilitasyon sa Marawi City at maging sa mga residenteng inilikas dahil sa kaguluhan kung saan pinangako rin nito na babalik ang normal at maayos na buhay sa Marawi City.


Facebook Comments