Cauayan City, Isabela- Pormal na ipinasakamay ng Department of Labor and Employment (DOLE) region 2 ang tulong pangkabuhayan para sa mga dating rebelde na kasalukuyang naninirahan sa ‘Happy Farm Ville’ sa kampo ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa Upi, Gamu, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Jekylle Dulawan, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, kanyang sinabi na nasa 43 miyembro ng SALAKNIB Former Rebels Integrated Farm Association o SAFARI mula sa bayan ng San Mariano, Isabela ang makikinabang sa mahigit P1.2 milyon halaga ng tulong pangkabuhayan na ipinagkaloob ng DOLE RO2 sa pangunguna ng kanilang Regional Director na si Joel M. Gonzales.
Ang nasabing halaga ng livelihood assistance ay gagamitin para sa livestock raising partikular para sa egg laying production ng kanilang manukan upang lalong mapalago ang hanapbuhay ng mga dating rebelde para na rin sa ikauunlad ng kanilang pamilya.
Ayon pa kay Maj. Dulawan, nangako si RD Gonzales na kung mapapalago ng mga dating rebelde ang kanilang ibinigay na tulong pangkabuhayan ay dadagdagan pa ito ng nasabing ahensya.
Labis naman ang naging pasasalamat ng mga dating rebeldeng miyembro ng SAFARI dahil sa walang tigil na tulong na ipinagkakaloob para sa kanila ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Ang turn-over ceremony na isinagawa ngayong araw, Hunyo 25, 2021 ay dinaluhan ng bise alkalde ng San Mariano na si Dean Anthony Domalanta; ilang matataas na opisyal at kawani ng 5ID; DOLE IFO Head Evelyn Yango, at ng LGU San Mariano.