Aabot sa P1.8 billion na pondo ang inilaan ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) upang suportahan ang pag-unlad ng mas ligtas na modernized transport system.
Batay sa huling datos ng LandBank, naibahagi ang nasabing pinansyal na suporta sa 43 na public transport cooperatives and corporations upang bumili ng 849 na modern Public Utility Jeepneys (PUJs).
Bukod dito, aabot din sa P4.25 billion ang kasalukuyang prinoprosesong loan applications para kumuha ng 1,833 na unit ng modern jeepney.
Ayon kay LandBank Branch Banking Sector Head at Executive Vice President Julio Climaco Jr., patuloy na nakikipag-ugnayan ang state-run bank sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang direktang masuportahan ng pinansyal ang mga jeepney driver at operator sa pagbili ng mga environment-friendly at efficiently-driven PUJs.
Sa ilalim ng SPEED PUV Program (Special Package for Environment-Friendly and Efficiently-Driven Public Utility Vehicles), maaaring humiram ang mga driver ng 95% na kabuuang gastos ng PUJ na mayroon lamang 6% interest rate per annum at palugit na bayaran na hindi aabot sa pitong (7) taon.