Nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng bani ng fuel discount program para sa mga magsasaka at mangingisda kung saan maaari silang makakuha ng ₱1 diskwento sa bawat litro ng bibilhing petrolyo.
Batay sa impormasyon mula sa municipal agriculture office, ang diskwento ay ipagkakaloob sa pamamagitan ng vouchers na maaaring gamitin sa mga gasolinahan sa loob ng bayan. layunin nitong makatulong sa pagbawas ng gastusin sa operasyon ng mga benepisyaryo, partikular sa pagbili ng gasolina at diesel na ginagamit sa pagsasaka at pangingisda.
Saklaw ng programa ang mga magsasaka at mangingisdang rehistrado sa registry system for basic sectors in agriculture, kabilang ang mga may bangkang rehistrado sa pamahalaan. kinakailangan ding dumaan sa beripikasyon ang mga benepisyaryo upang matiyak na kwalipikado silang makatanggap ng naturang tulong.
Sinimulan ang pamamahagi ng mga voucher ngayong abril 7 at inaasahang magpapatuloy hanggang sa mabigyan ang lahat ng rehistradong magsasaka at mangingisda sa bayan. hindi pa tinukoy ng mga awtoridad kung hanggang kailan mananatiling ipatutupad ang nasabing diskwento.
Ang naturang hakbang ay ipinatupad sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang pangunahing bilihin, na may direktang epekto sa produksyon at kabuhayan sa sektor ng agrikultura at pangingisda.
Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan ang implementasyon ng programa upang matiyak na maayos itong naipapatupad at naaabot ang mga target na benepisyaryo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







