Nakapaghatid na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng halos P1 million halaga ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng Tropical Storm ‘Aghon’ sa Bicol region.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, mahigit sa P972,000 halaga ng tulong mula sa DSWD at higit sa P316,600 mula sa concerned local government units (LGUs) ang naihatid na ng tulong sa mga pamilya na naapektuhan ng bagyo sa mga lugar sa Albay, Camarines Sur, Catanduanes, at Sorsogon.
Kabilang sa relief items ay mga food packs, hygiene kits, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Patuloy ang monitoring na isinasagawa ng ahensya sa mga apektadong pamilya dulot ng Tropical Storm ‘Aghon’.
Gayundin ang koordinasyon sa concerned LGUs upang agad na makapag-abot ng kinakailangang tulong.
Sa pinakahuling ulat, mayroon ng 6,542 families o mahigit sa 8,200 indibidwal sa may 22 barangay sa Bicol, Central Visayas, at Eastern Visayas regions ang naapektuhan ng bagyo.
May naka-prepositioned na karagdagang 24,900 family food packs sakaling humiling ang LGUs ng dagdag na ayuda.
Samantala, magpapalabas naman ang DSWD National Resource and Logistics Management Bureau (NLRMB) ng dagdag na boxes of food packs sa Field Office 4A (CALABARZON Region).