Cauayan City, Isabela- Umaabot sa P10 milyon ang halaga ng limang (5) yunit ng Solar Pump Project ng National Irrigation Administration (NIA)region 2 matapos pasinayaan kahapon, March 5 sa Barangay Gappal, Cauayan City, Isabela.
Pinangunahan ang nasabing seremonya ni NIA Regional Manager Raymundo Apil at mga opisyal ng LGU at Barangay Gappal sa Cauayan City.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculture Officer, nagkakahalaga ng P2 milyon ang bawat isa ng pump project para mapakinabangan ng mga magsasaka sa naturang barangay.
Aniya, maaaring mapatubigan nito ang nasa higit 50 ektaryang sakahan ng mga magsasaka sa lugar.
Nabatid na ilan rin sa mga barangay sa lungsod ang nabahaginan na rin ng proyekto mula naman sa Department of Agriculture.