Manila, Philippines – Umapela na ang ilang transport group sa LTFRB na ibalik sa P10 ang minimum na pasahe sa mga jeep.
Kasunod ito ng bigtime oil price hike noong martes na dinadagdagan pa ng higit dalawang pisong excise tax sa ilalim ng TRAIN law.
Ayon kay Fejodap President Zeny Maranan – malaking kawalan sa kita ng mga tsuper ang malaking dagdag-singil sa presyo ng gasolina at diesel.
Maging si Piston SecGen Steve Ranjo, suportado ang hiling na ibalik ang pisong binawi sa minimum na pasahe sa jeep kasabay ang panawagang ibasura ang TRAIN law.
Ayon naman kay LTFRB Chairman Martin Delgra III – pag-aaralan nila ang apela ng mga Fejodap.
Matatandaang Nobyembre nang itaas ng LTFRB sa P10 ang minimum fare sa jeep sa NCR, Region 3 at CALABARZON, pero binawi noong Disyembre matapos ang sunud-sunod na rollback sa langis.