Cauayan City, Isabela- Iginiit ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na maglalaan ng P100 milyon ang pamahalaan para sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa Region 2.
Ito ang ipinunto ng kalihim sa ginawang PRE-SONA sa Cagayan bilang bahagi ng paghahanda sa ika-6 at huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo.
Kaugnay nito, mabibigyan umano ng P40 milyon ang lalawigan ng Isabela; tig-P20 milyon naman para sa Cagayan at Quirino at P10 milyon para sa Nueva Vizcaya habang pagkakalooban naman ng 100 motorized banca ang Batanes.
Samantala, aabot naman sa P5 bilyon ang inilaang pondo ng pamahalaan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa repatriation o pagpapauwi sa mga distressed overseas Filipino workers (OFWs).
Inihayag rin ni Bello na umabot na sa 200,000 beneficiaries ang natulungan sa ilalim ng patuloy na TUPAD program ng ahensya sa region 2 habang 12,000 naman sa livelihood assistance.
Prayoridad rin ng pamahalaan ang iba pang programa gaya ng National Employment Recovery Strategy (NERS) bilang tugon sa mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.